Hinimok ni Vice
President Leni Robredo ang mga Pilipino na manindigan para sa kanilang mga
karapatan sa gitna ng patuloy na banta laban sa kalayaan sa pagsasalita at
karapatan sa buhay.
Sa kanyang mensahe bago
mag Linggo, sa darating na pagdiriwang ng Human Rights Day, nagsalita ito
tungkol sa mga pinaghihinalaang pamamaslang, paniniil ng kalayaan sa
pagsasalita, at patuloy na kahirapan na nakakapit sa bansa.
"Hinahamon ng
kasalukuyang panahon ang bawat isa sa atin na paigtingin ang paninindigan para
sa karapatang pantao, sa harap ng pinagdaan ng Pilipino nitong nakalipas na
taon," wika ni Robredo sa kanyang mensahe.
"Kasama na rito
ang mga extrajudicial killings; ang pagsupil sa karapatang magpahayag, pati na
sa social media; at ang kahirapan na patuloy na pumipilay sa milyun-milyon
nating mga kababayan," wika nito.
"Nawa’y maging
pagkakataon ang ating pagdiriwang ngayon ng Araw ng Karapatang Pantao para
muling paigtingin ang ating determinasyon na maging isang lipunan na tunay na
kinikilala at isinasabuhay ang paggalang sa dignidad, kalayaan, at karapatan ng
bawat Pilipino," dagdag nito.

No comments:
Post a Comment