Viral parin hanggang ngayon sa social media ang video ng mga sundalong nanakit umano sa nahuling miyembro ng Maute-ISIS group sa Marawi City.
Ayon kay Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner, hindi nila palalagpasin ang ginawa ng kanilang mga kasamahan at haharap sa kaukulang kaso at parusa ang mga sundalong nakita sa nag-viral na video lalo na kung matitiyak na tunay nga ito.
“Gagamitin naming basehan ang video sa pagtukoy kung sino-sino ang mga sundalo na nananakit sa sumukong terorista, at kung mapatunayan ay dapat na kasuhan sila at maparusahan,” ani Brawner.
Naging kontrobersiyal ang kumakalat na video matapos makitang ginugulpi at pinapahirapan ng mga sundalo ang sumukong miyembro ng Maute sa pamahalan.
“Kahit na idahilan ng mga sundalong sangkot sa insidenteng iyan na dala lang ng kanilang emosyon kaya nila nagawa iyon, hindi pa rin makatuwiran iyon, hindi namin palalampasin ang bagay na ito,” giit pa ni Brawner.
No comments:
Post a Comment