Bumaba ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa resulta sa third quarter 2017 Social Weather Stations (SWS) survey na inilabas ngayong linggo.
Ayon sa third quarter survey na isinagawa mula Setyembre 23 hanggang 27, 67% ng mga Pilipino ang nasiyahan sa pamumuno ni Duterte (satisfied), habang 14% ang nag-aalinlangan (undecided), at 19% naman ang hindi nasisiyahan (dissatisfied).
Kumpara sa rating niya noong June na +66 o very good, ang kamakailang survey ay nagpakita ng pagbaba ng net satisfaction rating sa +48 o good.
Ang net trust ng Pangulo ay bumaba rin ayon sa SWS survey.
Sa survey noong Setyembre, 73% ng mga Pilipino ang nagsabing mayroon silang malaking tiwala (much trust) kay Duterte, samantalang 15% ang undecided, at 12% naman ang nagpahayag ang may maliit na tiwala (little trust) sa Pangulo.
Ito ay nangangahulugang may 60% net trust rating (very good), mas mababa ng 15% kumpara sa 75% (excellent) net trust noong Hunyo.
Isinagawa ang survey gamit ang face-to-face interview sa 1,500 na may sapat na gulang (18 taong gulang at pataas) sa buong bansa: 600 sa Balance Luzon, at tig-300 sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao na may sampling error margin na ± 2.5% para sa pambansang porsyento, ± 4% para sa Balance Luzon, at ± 6% bawat isa para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao ayon sa SWS.
No comments:
Post a Comment